“Patuloy na makikiisa ang RAFC, LGU, at private sector sa Luzon B sa implementasyon ng mga proyekto ng DA na tumutugon sa mga magsasaka lalo’t higit sa mga apektado ng kalamidad.”
Ito ang pahayag ni G. Pedrito R. Kalaw, Chairman ng Regional Agricultural and Fishery Council (RAFC) sa CALABARZON sa naganap na AFC Luzon B Congress noong ika-18 ng Agosto.
Ang nasabing congress ay naglalayong mapag-usapan ng mga AFC mula sa Region IV-A, IV-B, at V ang mga suliraning pare-pareho nilang nararanasan upang makabuo ng resolusyon.
Ang AFC ay katuwang ng Department of Agriculture (DA) sa pagmo-monitor ng implementasyon ng mga proyekto at programang pang-agrikultura at nagsisilbing tagapamagitan ng DA at ng pribadong sektor.
Tinalakay sa congress ang mga hakbang ng DA, katuwang ang AFC Luzon B, upang matulungan ang mga magsasaka na patatagin ang kanilang kabuhayan sa kabila ng mga kalamidad gaya ng mga bagyo at ang pagkalat ng African Swine Fever (ASF).
Isa sa mga tinalakay ay ang Adaptation and Mitigation Initiative in Agriculture Climate Resilient Agri-fishery Techno-based Enterprise (AMAIA-CREATE). Layunin nito na mabigyan ng regular na abiso ang mga magsasaka tungkol sa panahon, partikular tuwing may paparating na bagyo. Sa ganitong paraan ay agad na makakapaghanda ang mga magsasaka at mababawasan ang kanilang production losses.
Tinalakay din ang pagpapatupad ng mga rehiyon ng Bantay ASF sa Barangay (BABay ASF) Program kung saan pinalakpakan ang CALABARZON, lalo’t higit ang Batangas, dahil sa matagumpay na implementasyon nito. Matatandaan na ang Batangas ang unang probinsya sa Pilipinas na nakapagdeklara ng ASF-free status para sa anim na lokal nito.
Inirekomenda ni RAFC Chairman Kalaw na patuloy na magtulungan ang DA, lokal na pamahalaan, at private sector sa pagpapataas ng antas ng farm biosecurity measures lalo’t higit sa mga fifth at sixth class municipalities.
“Nagpapasalamat kami sa suportang ibinibigay ng RAFC sa DA. Napakahalaga ng gampanin nila sa implementasyon ng ating mga proyektong pang-agrikultura. Sila ay tunay na kabalikat ng Kagawaran,” ani DA-4A OIC-Regional Executive Director Vilma M. Dimaculangan. #### (Reina Beatriz P. Peralta, DA-4A RAFIS)