Nagsagawa ang Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) Kabuhayan at Kaunlaran ng Kababayang Katutubo (4Ks) Project ng pagsasanay sa produksyon ng mga gulay at tamang pagkontrol at pagpuksa ng mga peste sa sakahan sa isang daan at walumpung (180) Dumagat na magsasaka mula sa lalawigan ng Rizal noong ika-25 hanggang 27 ng Agosto.

Layunin ng pagsasanay na matulungan ang mga katutubong magsasaka na maparami at mapaganda ang kalidad ng kanilang ani sa pamamagitan ng pagsisiguro na malusog ang kanilang mga pananim na gulay at ligtas sa anumang peste.

Tinalakay sa pagsasanay ang wastong pagtatanim ng mga gulay, pagpapakilala sa mga karaniwang pesteng makikita sa sakahan, at wastong paggamit ng mga pestisidyo.

Pagkakalooban din ng DA-4A ang mga dumalo ng mga interbensyon gaya ng mga binhi, abono, at pestisidyo na angkop sa kanilang lokasyon at susuporta sa kanilang kabuhayan.

“Napakalaking tulong sa amin ng training na ito para sa ikauunlad ng aming kabuhayan. Hindi lang panandalian ang epekto nito sa amin. Pwede naming ipamana sa susunod na henerasyon ang mga natutunan namin dito,” ani Nila Grace Pranada, miyembro ng Daraitan Alas-asin Manggahan-Yamang Angking Kalikasan (DAM-YAK). #### (Reina Beatriz P. Peralta, DA-4A RAFIS)