“Kailangan ang Organic Agriculture (OA) hub para kapag nangailangan ng organic product sa bawat probinsya ay doon agad ituturo.”

Ito ang pahayag ni Gng. Eda F. Dimapilis, tagapangasiwa ng Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) Organic Agriculture (OA) Program tungkol sa kahalagahan ng pagkakaroon ng OA hubs o Organik Konek sa rehiyon.

Ang mga itatayong OA hub, na paglalaanan ng malaking porsyento ng pondo ng OA Program sa taong 2022, ay magiging dausan ng mga pagsasanay ukol sa organikong pagsasaka at magiging sentrong pamilihan ng mga organikong produkto.

Ito ay makakatulong para mas makilala ng mga mamimili ang mga organikong produkto. Sa ganitong paraan ay matutulungan din ang mga organikong magsasaka na mapataas ang kanilang kita.

Ayon kay Gng. Dimapilis, ang Farmers’ Cooperatives and Associations (FCAs) na interesadong magkaroon ng OA hub sa kanilang lugar ay hinihimok na magsumite ng mga sumusunod sa DA-4A: 1) liham para kay Regional Executive Director Vilma M. Dimaculangan ng pagpapahayag ng interes sa proyekto; 2) certificate of registration mula sa mga lehitimong ahensya (halimbawa: Registry System for Basic Sectors in Agriculture), business permit, Internal Control System (ICS) manual of operations, kopya ng audit financial statement, at kopya ng local ordinance on agriculture; 3) listahan ng mga miyembro at pinuno ng kooperatiba o asosasyon; at 4) board of resolution, business plan, mortgage agreement sa pagitan ng kooperatiba o asosasyon, at sertipikasyon mula sa geo-science bureau na ang lugar na pagtatayuan ng OA hub ay ligtas.

Sisimulang itayo ang mga naaprubahang OA hub sa susunod na taon. #### (Reina Beatriz P. Peralta, DA-4A RAFIS)