“Paliit na nang paliit ang lupang sakahan, kaya naman layunin ng BAC na lubos na mapakinabangan ng ating mga magsasaka ang lupa.”
Ani Dr. Eduardo R. Lalas ng Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) Corn Program sa ginanap na business enterprise assessment sa mga magmamais sa bayan San Francisco at Guinayangan sa probinsya ng Quezon noong ika-22 hanggang 23 ng Setyembre.
Ang Bayanihan Agriculture Cluster (BAC) program ay isa sa labing-walong (18) pangunahing estratehiya ng DA para matulungan ang mga magsasaka na mapanatiling mataas ang kanilang ani at kita sa kabila ng iba’t ibang suliranin sa sakahan gaya na lamang ng nabanggit na pagliit ng lupang sakahan.
Sa BAC, ang mga magmamais na mayroong magkakalapit na sakahan sa loob ng pitumpu’t limang (75) ektarya ay pinagsama sa isang cluster. Ang mga magkakasama sa cluster ay maghahati-hati sa mga interbensyong ipinamamahagi ng DA-4A.
“Gaganda ang nabuong samahan ng mga magsasaka sa BAC. Magtutulungan silang maparami at mapaganda ang kanilang ani,” dagdag ni G. Rolando P. Cuasay, Agricultural Program Coordinating Officer (APCO) ng Quezon.
Upang malaman ang pangangailangan ng cluster, isinasagawa ng DA-4A ang business enterprise assessment kung saan kinakapanayam ang mga pinuno ng asosasyon ng mga magsasaka tungkol sa kakayahan ng mga miyembro, dami ng kanilang mga sinasaka, at estado ng kanilang kita.
“Positibo po ang tingin ko dito sa aming cluster. Sa pamamagitan po nito ay nagkakaroon ng pagtutulungan para sa ikauunlad sa pagmamaisan. Kung ano po ang kulang sa kabila ay pupunan ng kabila. Gayon din, nagpapasalamat kami sa DA dahil sa assessment na ito. Mabibigyang-tugon ang aming kakulangan, lalo na ‘yong mga gamot sa sakahan,” ani G. John Rey A. Gepanagan, bise presidente ng Guinayangan Corn Specialists.
Nakapagdaos na rin ng katulad na aktibidad ang ibang mga banner program ng DA-4A noong mga nagdaang buwan na nagsimula noong Hulyo. Inaasahang matatapos ang serye ng assessment sa unang linggo ng Oktubre. #### (Reina Beatriz P. Peralta, DA-4A, RAFIS)