Katuwang ng Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) ang Farmers’ Cooperatives and Associations (FCAs) na nakatanggap ng financial grant assistance sa ilalim ng KADIWA ni Ani at Kita Food Supply Chain Program o mas kilala bilang Enhanced KADIWA Program (E-KADIWA), sa layuning tulungan ang mga magsasaka na dalhin ang kanilang mga produkto mula sakahan patungong pamilihan.
Layunin ng E-KADIWA na tugunan ang pangangailangan ng mga magsasaka at mangingisda na mapataas ang kanilang kita sa pamamagitan ng direktang pagdadala ng kanilang mga produkto sa pamilihan kung saan may siguradong mamimili at tugunan din ang pangangailangan ng mga mamimili na makakuha ng pagkaing abot-kaya ang presyo.
Ang ilan sa mga kooperatibang nakatanggap ng financial assistance ay ang sumusunod: Pinagdanlayan Rural Improvement Club Multi-Purpose Cooperative (PRICMPC) na nakatanggap ng P1,615,000; South Luzon Farmers and Traders’ Agricultural Cooperative (SOLUFAT) na tumanggap ng P3,227,200; P1,562,000 sa Yakap at Halik Multi-Purpose Cooperative (MPC)-Cavite; at P1,970,000 sa Yakap at Halik MPC-Quezon 2.
Ayon sa mga nabanggit na kooperatiba, ang mga pinansyal na tulong ay naipambili ng mga kagamitan sa pagpoproseso ng mga produkto at mga sasakyan na para naman sa paghahatid ng mga produkto.
“Lubos ang aming pasasalamat sa Department of Agriculture dahil isa tayo sa napagkatiwalaan para mag-operate ng KADIWA ni Ani at Kita. Sa ganitong paraan ay maraming natutulungang maliliit na magsasaka at hindi na nila magiging problema ang marketing ng kanilang agricultural produce,” ani G. Gabriel Arubio, tagapangulo ng Yakap at Halik MPC-Cavite.
Samantala, ang San Jose Workers’ Multi-Purpose Cooperative ay nakatanggap ng P2,533,257 na kanilang ginamit na puhunan sa pagbili ng mga produkto ng mga magsasaka sa kanilang komunidad na kanila namang dadalhin sa iba’t ibang pamilihan sa CALABARZON at mga karatig na rehiyon. #### (Reina Beatriz P. Peralta, DA-4A RAFIS)