Namahagi ang Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) Livestock Program ng broiler production module sa 170 magsasaka mula sa mga syudad ng San Pedro, Sta. Rosa, Calamba, at San Pablo; at bayan ng Alaminos noong ika-1 ng Oktubre 2021.
Ang pagbibigay ng nasabing interbensyon ay bahagi ng Quick Response Fund para matulungan ang mga apektadong magsasaka ng mga bagyong Ofel, Pepito, Quinta, Rolly, at Ulysses.
Ani Livestock Program Focal Person Dr. Jerome G. Cuasay, “Layunin ng ahensya na alalayan na magkaroon ng dagdag hanapbuhay ang bawat magsasakang naapektuhan ang kabuhayan dahil sa mga kalamidad na dumaan noong nakaraang taon.”
Kalakip ng broiler production module ang nasa 8,500 one-day old na sisiw, walong sachet ng Doxycycline Tiamulin, dalawang sako ng mga patuka, at isang kulungan.
Malaki ang pasasalamat ng mga magsasakang nakatanggap ng tulong mula sa Kagawaran.
Ayon kay G. Vicente Garcia, isang high value crops farmer, “Ang mga sisiw na amin pong natanggap ay simbolo ng pag-asa upang kami ay muling makapag-umpisa sa aming hanapbuhay. Sisikapin po naming mapalago at mapalaki ang mga naipagkaloob ninyong interbensyon.” #### (Jayvee Amir P. Ergino, DA-4A RAFIS)