Bilang pakikiisa sa taunang 18-Day Campaign to End Violence Against Women (VAW) ng pamahalaan na nagsimula noong ika-25 ng Nobyembre, nagdaos noong ika-29 ng Nobyembre ang Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A), sa pangunguna ni OIC-Regional Executive Director Vilma M. Dimaculangan, ng oryentasyon tungkol sa RA 11313 o ang “Safe Spaces Act of 2019.”
Ang taunang kampanya ay may layuning paigtingin ang pagpapalaganap ng impormasyon tungkol sa sekswal na pagmamalabis at karahasan sa kababaihan at mga pamamaraan kung paano ito maiiwasan at tuluyang mapigilan.
Ani Gng. Juvylee C. Obice, DA-4A Gender Awareness and Development focal person, upang makamit ang layunin ng kampanya, tungkulin ng mga ahensya na magsagawa ng mga aktibidad na makakapagmulat sa kasalukuyang estado ng kaligtasan ng kababaihan gaya na lang ng pagdaos ng nasabing oryentasyon.
Tinalakay ni Bb. Doreen Era M. Denorte, isang human rights advocate, sa oryentasyon ang iba’t ibang uri ng sekswal na karahasan at diskriminasyon na nararanasan ng kababaihan sa pribadong lugar gaya ng bahay at pampublikong lugar gaya ng opisina, at ang mga paraan kung paano ito maiiwasan gaya ng paghingi ng tulong sa kinauukulan.
Siniguro naman ni Director Dimaculangan na hindi kukunsintihin ng Kagawaran ang anumang uri ng pananamantala maging anuman ang kasarian.
“Bukod sa mga magsasaka, prayoridad din ng Kagawaran ang kapakanan at kaligtasan ng lahat ng empleyado. Kaya naman kaisa kami ng pamahalaan sa kanilang kampanya na wakasan ang sekswal na karahasan sa kababaihan. Sapagkat hangad namin ang kapanatagan ng kanilang kalooban sa kanilang pananatili sa ating opisina,” ani Director Dimaculangan.
Hinihikayat ni Gng. Obice ang lahat ng empleyado ng DA-4A na makiisa sa labing-walong araw na kampanya sa pamamagitan ng pagbabahagi sa social media ng mga impormasyon at karanasang kaugnay ng RA 11313.
#### ( Reina Beatriz Peralta, 📸 Ma. Betina Andrea Perez & Juvylee Obice)