Namahagi ang Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) ng tig-lilimang libong piso (P5,000) sa 1,273 maliliit na magpapalay mula sa mga bayan ng Perez, Alabat, Quezon, Guinayangan, at Calauag sa probinsya ng Quezon noong ika-13 hanggang 15 ng Disyembre.
Ang pamamahagi ay bahagi ng Rice Competitiveness Enhancement Fund-Rice Farmers Financial Assistance (RCEF-RFFA) na alinsunod sa Republic Act (RA) No. 11203 o ang “Rice Tariffication Law (RTL)” kung saan ang taripa mula sa mga inaangkat na bigas ay nakalaan sa mga interbensyon at ayudang ipinagkakaloob sa mga magpapalay.
“Ang Rice Farmers Financial Assistance po na inyong matatanggap ay bunga ng pagtutulungan ng pang-nasyonal, panlalawigan at panlungsod/pambayang pamahalaan, at ng Kagawaran ng Pagsasaka. Nawa’y sa tulong ng mga programang pang-agrikultura tulad ng RFFA ay matumbasan namin ang serbisyong inyong inilalaan para sa mga mamamayan. Inaasahan din po namin ang patuloy ninyong pakikiisa, pagsuporta, at pagtitiwala sa ahensya at gobyerno,” ani OIC-Regional Technical Director for Operations and Extension Engr. Abelardo R. Bragas.
“Malaking bagay na kami ay maging kabahagi sa programang ipinatutupad ng DA at ng pangkalahatang gobyerno. Maraming salamat po sa ayuda na inyong ipinagkaloob sa amin na mga magsasaka. Gagamitin namin ang halagang inyong ipinagkaloob upang mas mapagbuti pa ang pagsasaka at maibili ng pangangailangan sa araw-araw,” ani Nestor C. Damiano, magpapalay mula sa bayan ng Perez.
#### (✍Jayvee Amir P. Ergino 📸Ma. Betina Andrea P. Perez, DA-4A RAFIS)