Binigyang-parangal ng Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) noong ika-28 ng Disyembre ang 58 proyektong nagwagi sa Young Farmers Challenge Fund Kabataang Agribiz Competitive Grant Assistance Program.
Ang programa ay isang kompetisyong inilunsad ng DA para tanghalin ang natatanging kabataang may mga orihinal na proyekto o imbensyon na makakatulong sa pag-unlad ng sektor ng agrikultura.
Sa programang ito, masusing sinuri ng mga hurado ang isinumiteng business proposal ng mahigit sa isang daang lumahok na kabataan mula sa rehiyon.
Mula sa daan-daang kalahok ay 58 business proposal ang pinili para sa provincial level ng kompetisyon at binigyan ng tulong-pinansyal ng Kagawaran upang maipagpatuloy sa pagsasagawa ng kanilang proyekto. Mula naman sa mga ito ay pinili ang tatlong proyektong nagwagi sa regional level at umabante sa national level ng kompetisyon. Anim na proyekto na mula sa iba’t ibang rehiyon ang itinanghal na kampeon sa national level ng kompetisyon. Kabilang sa anim na nagwagi at nakatanggap ng P700,000 kabuuang halaga ng tulong-pinansyal ay ang Smart Link na proyekto ng kabataan mula sa Laguna.
Ang Smart Link ay isang teknolohiyang kumukuha ng eksaktong timbang ng baboy nang hindi hinahawakan. Sa ganitong paraan ay maiiwasan ang pagkalat ng nakakahawang sakit na nalilipat sa pamamagitan ng paghawak gaya ng African Swine Fever.
“Dapat hindi natin i-limit ang kakayahan natin sa mga bagay na meron tayo lalo na sa agriculture kasi marami pa tayong mae-explore dito. Patuloy sana tayong mga kabataan na linangin ang sektor ng agrikultura, at nagpapasalamat naman kami sa DA dahil sa pagbibigay ng tulong at suporta sa mga tulad naming nais mag-ambag sa sektor ng agrikultura,” ani Kelly Ann Palma, isa sa mga utak sa likod ng proyektong Smart Link. ####(✍Reina Beatriz P. Peralta, 📸Bogs de Chavez, DA-4A RAFIS)