Nagsagawa ng oryentasyon ang Department of Agriculture IV-A (DA-4A) tungkol sa Participatory Guarantee System (PGS) at Organic Agriculture (OA) Hub para sa mga magsasaka sa iba’t ibang parte ng Laguna.
Ito ay upang mahikayat sila na makilahok sa mga programang ito na tutulong sa kanila na maging certified organic farmers sa mas murang paraan.
Nagsilbing tagapagsalita ang mga kawani ng DA-4A Organic Agriculture Program na si Bb. Margie Grimaldo para sa OA Hub at G. Arn Gonzales para sa PGS. Binigyang diin ni Bb. Grimaldo na mahalagang gampanan ng bawat isa ang kanilang parte sa pagpapaunlad ng negosyo at pagseserbisyo ng OA Hub sa komunidad. Samantala, ipinaliwanag ni G. Gonzales ang mga mekanismo kung paano makakakuha ng certification ang mga magsasaka sa pamamagitan ng PGS. Ayon sa kanila, makatitiyak ang mga magsasaka na gagabay at susuporta ang Kagawaran sa kanila sa mga programang ito.
Marami ang nagpakita ng interes sa PGS dahil sa laki ng gaan na madudulot nito sa mga magsasaka sa pagpapasertipika kumpara kung dadaan pa sila sa third-party certifying bodies. Samantala, marami rin ang naging determinadong ipagpatuloy pa ang organikong pagsasaka dahil sa maitutulong sa kanila ng OA Hub mula sa produksyon hanggang marketing ng kanilang produkto.
Nagpasalamat si G. Marlon P. Tobias, Provincial Agriculturist ng Laguna sa lahat ng dumalo at sa DA-4A. Hinikayat niya ang mga magsasaka na simulan na ang pag-a-apply at ipagpatuloy lang ang organikong pagsasaka. Ayon kay Bb. Frennie dela Cruz, focal person ng OA Program ng Laguna, sisimulan na nila agad ang pagbisita sa mga bukid ng mga grupong nais mag-apply sa PGS. Walong samahan na ang nagpalista sa kaniya na mag-a-apply.
#### (: My Bejasa)