Karagdagang 2,187 maliit na magpapalay mula Panukulan, Polillo, Burdeos, Jomalig, at Patnanungan, Quezon ang nakatanggap ng tig-lilimang libong piso mula sa Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) noong ika-14 hanggang ika-18 ng Marso.
Ang tulong-pinansyal ay bahagi ng tuluy-tuloy na implementasyon ng Rice Competitiveness Enhancement Fund-Rice Farmers Financial Assistance (RCEF-RFFA) alinsunod sa Republic Act (RA) No. 11203 o “Rice Tariffication Law (RTL),” kung saan ang taripa mula sa mga inaangkat na bigas ay nakalaan sa mga interbensyon at ayudang ipinagkakaloob sa mga magpapalay.
“Umaasa kaming patuloy ang ating pagtutulungan sa pag-abot ng maunlad at masaganang pagsasaka,” ani Quezon Agricultural Program Coordinating Officer G. Rolando P. Cuasay.
“Ang RFFA ay isa lamang sa mga programa na ating pinagtulungang buoin upang magbigay ng benepisyo sa ating mga magsasaka. Asahan po ninyo na patuloy tayong magbibigay ng suporta para sa tuluy-tuloy na pag-unlad ng agrikultura,” ani House Committee Chairman on Agriculture and Food at Quezon 1st District Representative Cong. Wilfrido Mark M. Enverga.
“Napakalaking bagay na kami ay maging kabahagi ng tulong pinansyal ng DA. Sa tulong nito, mayroon na kaming ipambibili ng mga kinakailangan sa aming pagsasaka. Maraming salamat sa pagkakaloob ng ayuda sa amin,” ani Gng. Ana Maria N. Revellame, magpapalay mula sa Panukulan.
Dumalo rin sa nasabing aktibidad sina KALIPI Quezon Federation Provincial President Atty. Joanna Suarez, Quezon 4th District Representative Congw. Angelina D.L. Tan, Panukulan Mayor Hon. Alfred Rigor S. Mitra, Polillo Mayor Cristina E. Bosque, Burdeos Mayor Freddie C. Aman, Jomalig Mayor Rodel T. Espiritu, Patnanungan Mayor Roderick Larita, at iba pang kawani ng DA-4A, Provincial Local Government of Quezon, at local government units.
#### (: Jayvee Amir P. Ergino)