Ilulunsad ng Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) ang Fuel Discount for Farmers and Fisherfolk Program para sa mga magsasaka ng mais sa rehiyon.
Ang programang ito ay bahagi ng Republic Act 11639 o ang Special Provision No. 20 of the General Appropriations Act of 2022.
Layunin nitong tulungan ang mga magmamais at mangingisda na maibsan ang epekto ng pagtaas ng presyo ng gasolina sa kanilang kabuhayan.
Makakatanggap ang mga benepisyaryo ng Fuel Discount Card na naglalaman ng tatlong libong piso.
Upang maging kwalipikado sa programa, ilan sa pangunahing panuntunan ay ang pagiging rehistrado sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture at pagmamay-ari ng makinaryang pansaka tulad ng traktora, corn shellers, at harvesters na rehistrado naman sa Agricultural and Biosystems Engineering Information System.
Ang makinaryang ginagamit ay pwede ring pagmamay-ari ng kinabibilangan na Farmersβ Cooperative and Association.
Inaanyayahan ni DA Assistant Secretary for Operations at DA-4A Regional Executive Director Engr. Arnel V. de Mesa, ang mga kwalipikadong indibidwal na agad makipag-ugnayan sa kani-kanilang City o Municipal Agriculturist Office upang agad na makinabang sa Fuel Discount Cards na ipapamahagi ng ahensya.
#### (βπΈ: Jayvee Amir P. Ergino)