Binisita ng Department of Agriculture IV- CALABARZON (DA-4A) ang San Juan Batangas Crofisliv Association ng bayan ng San Juan, Batangas kaugnay ng pagpapatupad ng programang Farm and Fisheries Clustering and Consolidation (F2C2).
Layunin ng F2C2 na paunlarin ang produksyon at kita ng mga magsasaka at mangingisda sa pamamagitan ng clustering at consolidation. Nais ng programa na mapalakas ang kanilang kapasidad hindi lamang sa produksyon kundi maging sa pakikipag-negosasyon.
Noong taong 2021, nagkaroon ng kabuoang sampung clusters ang probinsya ng Batangas kabilang ang walo sa rice clusters, at tig-isa naman sa high value crops at livestock. Ngayong taon, mayroon nang dalawang clusters ang rice at tig-apat sa high value crops at livestock.
Samantala, ang kinabibilangang cluster ng samahan ay may halos 650 na myembro na magsasaka mula sa San Juan. Bukod sa palayan, sila ay mayroon ding tanim na mais, at mga alagang baka, kambing, at baboy na commercial at native. Isa pa sa kanilang pinagkakakitaan ay ang koprahan. Dagdag pa rito, sa pamamagitan ng programa ng Livestock na Integrated National Swine Production Initiatives for Recovery and Expansion (INSPIRE) ay itinatayo na ang kanilang piggery. Napagkalooban din ang samahan ng traktora, harvester, hauling trucks at flatbed dryer ng DA-4A.
Sa pamamagitan ng ginawang assessment na pinangunahan ng mga kawani mula sa Rice Program at F2C2, makakatulong ito sa pagtukoy ng iba pang interbensyon na maaaring maibigay sa samahan. #### ( Chieverly Caguitla Rice Program)