Binisita ni OIC-Regional Executive Director, Engr. Abelardo Bragas ang dalawang Solar-Powered Fertigation System (SPFS32 at SPFS8) na ipinatayo ng Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) sa Brgy. Bagumbong, Jalajala, Rizal.
Ang pagbisita ay bahagi ng patuloy na pagsubaybay ng tanggapan ng mga proyektong isinagawa o naisagawa na. Ito rin ay alinsunod sa utos ng Presidente at Kalihim ng DA, Pres. Ferdinand Marcos, Jr., na mas dalasan ang pagpunta sa kanayunan at magbigay ng teknikal na gabay sa mga magsasaka.
Ang SPFS ay isang pasilidad na kumukuha ng enerhiya mula sa sikat ng araw, gamit ang solar panels, upang paganahin ang sistema ng irigasyon sa sakahan na may kasama na ding abono.
Ayon kay Director Bragas, ang SPFS ay magandang sagot laban sa suliranin ng patubig at pagmimentena ng sustansya ng mga tanim.
“Dahil sa SPFS, mas madali at epektibong maihahatid ang sustansyang kailangan ng mga tanim upang mas lumakas ito laban sa peste o sakit. Sa madaling sabi, tuloy-tuloy lamang ang pagsasaka,” aniya.
Kasama si Engr. Romelo Reyes, hepe ng Regional Agricultural Engineering Division, ay ginabayan ang mga magsasakang-benepesyaro o magiging operator ng pasilidad upang masiguro na tuloy-tuloy na mapapakinabangan ang mga ito.
Ang SPFS32, na natanggap ng Bagumbong Vegetables Farmers Irrigators Association Inc., ay may kakayangang makapagpatubig ng 15 hanggang 32 ektaryang sakahan. Ang nasabing asosasyon ay nagtatanim ng palay, mais, gulay at pakwan.
Samantala, ang SPFS8 naman, na ang benepisyarsyo ay ang magsasaka ng Sambungan Farmers Association (SFA), ay may kakayangang makapagpatubig ng lima hanggang walong ektaryang sakahan. Ang SFA ay natatanim ng palay.
Kasama din sa pagbisita sina OIC-Regional Technical Director for Operations Marcos Aves, Sr., OIC-Regional Technical Director for Research and Regulations Fidel Libao, Agricultural Programs Coordinating Officer Mary Ann Gajardo at iba pang kawani ng DA-4A. #### ( Radel Llagas)