Pormal nang pinasinayaan ang pagtatayo ng “Bio-Secured and Climate-Controlled Finisher Operation Facility” ng Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) para sa Grupong Magsasaka ng Brgy. San Nicolas, General Luna, Inc. (GMSN), noong ika-16 ng Agosto, 2022.

Ang pagsasagawa ng nasabing pasilidad ay bahagi ng programang Integrated National Swine Production Initiatives for Recovery and Expansion (INSPIRE) ng Kagawaran na naglalayong mapanumbalik ang sigla ng industriya ng pagbababuyan sa pamamagitan ng pagpaparami ng baboy upang mapataas ang produksyon nito at siguruhing may sapat na suplay ng pagkain na abot-kaya.

Kaakibat ng pagkakaloob ng pasilidad, kung saan kakasya ang hanggang 240 ulo ng biik, ang pagbibigay sa GMSN ng unang 100 ulo ng biik at mga pakain.

“Kami ay sadyang pinagpala na makatanggap ng ganitong pasilidad mula sa gobyerno dahil malaking pagkakataon ito na kami’y kumita ng hindi lang sapat kundi ng malaki dahil sa potensyal na hatid ng pag-aalaga ng baboy. Kaya naman ang panawagan ko sa aking mga kasama na patuloy tayong magtulungan, magsumikap, maging disiplinado, at pangalagaan at pahalagahan ang mga tulong na ating natatanggap,” ani G. Joseph Hutalla, presidente ng GMSN.

Ang samahan ay naging benepisyaryo rin ng iba pang kagamitang pansaka mula sa DA-4A gaya ng solar-powered pump at traktora.

Samantala, binigyang-diin ni DA-4A OIC-Regional Executive Director Engr. Abelardo Bragas na laging buo ang suporta ng Kagawaran sa mga nasasakupan nito upang maisakatuparan ang direktiba ng Pangulo ng bansa at Kalihim ng Kagawaran, Ferdinand “Bong-bong” Marcos, Jr., na itaas ang produksyon ng mga produktong pang-agrikultura. At ito’y magagawa anya sa pamamagitan ng pagpapatibay ng value chain.

Sa 47 yunit ng naturang pasilidad na nakatakdang itayo sa buong rehiyon ay 46 na ang napasinayaan at nasimulan o sinisimulan nang itayo.

Ang aktibidad ay dinaluhan din nina Mayor Matt Erwin Florido ng General Luna, kasama ang mga opisyal ng bayan; ng mga kinatawan nina Gobernadora Angelina “Helen” Tan at Congressman Reynante Arrogancia ng ikatlong distrito ng Quezon, ng Department of Agrarian Reform, National Livestock Program; iba pang kawani ng DA-4A; at mga miyembro ng GMSN. #### ( ✍ Amylyn Rey-Castro/ORED; 📸 Jayvee Ergino)