Nagsagawa ng pagsasanay sa paggamit at operasyon ng Rice Crop Manager Advisory Service 4.0 (RCMAS 4.0) ang Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) Rice Program para sa dalawampu’t limang magpapalay mula sa probinsya ng Quezon noong Hulyo 26-29 sa Lucena City, Quezon
Ang RCMAS ay isang digital agriculture service na nagbibigay sa mga magsasaka ng mga impormasyon at rekomendasyong makatutulong sa pagpapataas ng kanilang produksyon at kita sa pagpapalay sa pamamagitan ng integrated nutrient at crop management na naaayon sa estado ng kanilang lupang sakahan.
Layon ng aktibidad na maipalam at masanay ang mga magpapalay sa paggamit ng mga serbisyo nito kabilang ang kanilang pagrerehistro bilang magpapalay at ng kanilang mga sakahan. Tinalakay din sa aktibidad ang tungkol sa Farm and Fisheries Clustering and Consolidation, Registry System for Basic Sectors in Agriculture at update sa kalagayan ng pagpapalay sa rehiyon.
Dagdag pa sa serbisyo ng RCMAS 4.0 ay ang pagkalap at pagimprenta ng mga farmer ID cards, pagpapadala ng mga otomatikong text messages sa mga numero ng mga magsasaka ng mga rekomendasyon para sa kanilang pagsasaka at farm monitoring.
Ang RCMAS ay maaaring mai-download ng libre sa mga android cellphones at pwedeng magamit online at offline. #### (Chieverly Caguitla photos c/o Rice program)