Upang mas mapalawak at mapalakas ang sistema ng pagbabantay ng presyo ng mga produktong agrikultural sa mga pampublikong palengke sa rehiyon, nagsagawa ng pagsasanay ang Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) tungkol sa Bantay Presyo Monitoring System (BPMS) at Trading Post Commodity Volume Watch (TPCVW).

Ang BPMS ay tumutukoy sa sistema ng pangongolekta ng datos ng presyo ng mga bilihing agrikultural sa palengke. Lahat ng nakolektang datos matapos maproseso ay ina-upload sa internet sa pamamagitan ng www.bantaypresyo.da.gov.ph. Dito ay maaaring makita ang aktwal na presyuhan sa mga palengke. Nagsisilbi itong gabay sa mga mamimili at makakatulong din sa mga ahensya ng gobyerno sa pagmo-monitor ng presyo ng mga bilihin. Samantala, ang TPCVW ay isang sistema na ginagamit ng mga kawani ng Kagawaran na nagmo-monitor ng mga produkto na dinadala sa mga trading post.

Nagkaroon ng aktwal na validation at data sampling sa mga pampublikong pamilihan ng lungsod ng Tanauan at Lipa, Batangas upang masubukan ang sistema at maging pamilyar ang gagamit nito.

β€œDapat mas laliman natin ang kaalaman dito, sa mga kabataang empleyado natin, dahil ginagamitan na ito ng teknolohiya kung saan mas bihasa kayo, pagtulungan natin ito at siguradong magiging maganda ang output nito,” ani Editha M. Salvosa, Hepe ng DA-4A Agribusiness and Marketing Assistance Division.

Pinangunahan ng Agribusiness Marketing Assistance Division (AMAD) katuwang ang Agribusiness Marketing Assistance Services (AMAS) at Information and Communications Technology Service (ICTS). Isinagawa ang pagsasanay sa LARES Compound, Marauoy Lipa City noong ika 8 -9 ng Agosto 2022.

Dumalo sa pagsasanay sina Cristine Beldomar ng Agribusiness Marketing Assistance Services (AMAS), Ms. Imelda Breganza ng Information and Communications Technology Service (ICTS), Bb. Julany Castillo ng Management Information System (MIS), at mga kawani mula sa pampublikong pamilihan ng Lipa at Tanauan, at iba pang empleyado ng DA-4A. (Bogs de Chavez, photos John Cedrick Catacutan)