Magkatulong ang Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) at Regional Agricultural and Fishery Council (RAFC) Sectoral Committee ng High Value Crops sa patuloy na implementasyon ng National Urban and Peri-Urban Agriculture Program (NUPAP) na naglalayong pagtibayin ang seguridad ng pagkain sa bansa sa kabila ng lumalaking populasyon, mga natural na kalamidad, at COVID-19 pandemic.
Kaugnay nito, nagkaroon sila ng pagpupulong kasama ang mga kawani mula sa Provincial Agricultural and Fishery Council (PAFC), Municipal Agricultural Fishery Councils (MAFC) at Highly Urbanized City Agricultural and Fishery Council (HUCAFC) noong ika-11 ng Agosto upang pag-usapan ang iba’t-ibang isyu na kinakaharap sa kani-kanilang lalawigan.
Ayon kay OIC-Field Operations Division at High Value Crops Development Program (HVCDP) Coordinator, Engr. Redelliza Gruezo, isa sa mga dapat pagtuunan ay ang pagtaas ng presyo ng mga pataba at gasolina.
“Mahalaga na mahikayat pa natin ang mga magsasaka ng high value crops na gumamit ng mga organikong pataba at magkaroon ng maayos na sistema sa sakahan kung saan mas maaaring makabawas sa paggamit ng maraming gasolina,” dagdag ni Chief Gruezo.
Samantala, iminungkahi rin ni RAFC Sectoral Committee Chairperson Zaldy Tañega ang aktibong pagsubaybay ng bawat konseho sa wastong paggamit ng mga magsasaka ng high value crops sa lahat ng ipinagkakaloob ng DA-4A gaya ng makinarya, kagamitan, at mga butong pananim nang sa gayon ay tuloy-tuloy ang produksyon ng pagkain.
Bahagi rin ng pulong ang pagtatalakay sa serbisyo ng Agribusiness and Marketing Assistance Division (AMAD) at iba pang programa, proyekto, at aktibidad para sa high value crops. #### ( Danica Daluz)