Nakiisa ang Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) sa Groundbreaking Ceremony ng itatayong dairy store para sa Llano Farmers’ Multi-Purpose Cooperative (LFMPC) ng Jalajala, Rizal.
Ang itatayong pasilidad ay proyekto ng DA Philippine Carabao Center sa University of the Philippines – Los Baños (DA-PCC-UPLB) sa ilalim ng Carabao-based Business Improvement Network (CBIN).
Ito ay naglalayong matulungan ang mga maggagatas ng kalabaw sa pamamagitan ng pagbibigay suporta sa processing at marketing ng kanilang produkto.
Kaugnay nito, ang LFMPC ay nagkaloob din ng 45 na kalabaw, sangkap sa pakain o forage, mga gamot, at mga pagsasanay.
“Sa ngalan ng aming kooperatiba ay lubos kaming nagpapasalamat sa mga interbensyong aming natanggap. Makakaasa kayo na itong mga ito ay aming aalagaan at pagyayamanin,” ani LFMPC Chairman Lamberto Campo.
Samantala, ang nasabing kooperatiba ay benepisyaryo din ng Livestock Economic Enterprise Development Project ng DA-4A para naman sa kanilang pagkakambingan. Ang kanilang grupo din ay nakatanggap ng 50 ulo ng itik, at 1,200 ulo ng native chicken mula sa DA-4A.
Pinangunahan ni OIC-Regional Executive Director Abelardo Bragas ang delegasyon mula sa DA-4A.
Aniya, ang DA-4A, PCC-UPLB, at iba pang mga ahensya sa ilalim ng OneDA Family sa CALABARZON ay nagkakaisa sa mga proyektong ipinapatupad nito kasabay ng malapit na koordinasyon sa isa’t-isa.
“Sa pamamagitan ng convergence ng mga ahensya ng gobyerno ay mas nagiging sustenable ang mga proyektong ibinababa sa nayon,” dagdag ni director Bragas.
Kasama sa aktibidad sina OIC-Regional Technical Director for Operations, Engr. Marcos Aves, Sr., Agribusiness and Marketing Assistance Division Chief Editha Salvosa, Agricultural Programs Coordinating Officer Mary Ann Gajardo, at iba pang kawani ng DA-4A.
Ang aktibidad ay dinaluhan din ng mga delegasyon mula sa Office of Senator Cynthia A. Villar, Department of Agrarian Reform, Department of Science and Technology, Department of Trade and Industry, Provincial Government of Rizal, Municipal Government of Jalala, at mga grupo ng maggagatas. #### (✍Radel Llagas📸Von Samuel Panghulan)