Tinipon ng Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) Farm and Fisheries Clustering and Consolidation (F2C2) Program ang apat na samahan ng mga produser ng palay, mais, at livestock sa Sariaya, Quezon upang sanayin sa paggawa ng Cluster Development Plan (CDP) noong ika-1 ng Setyembre.
Layunin ng aktibidad na magkaroon sila ng isang organisadong plano sa mga proseso at pamamaraan sa produksyon.
Ayon kay Alternate Focal Person ng F2C2 Jhoanna Santiago, ang CDP ang nagsisilbing “blueprint” at pangunahing instrumento ng F2C2 upang maipadala ng kagawaran ang kinakailangang ayuda, tulong, at interbensyon para sa ikabubuti ng bawat samahan at ng kanilang sakahan. Ilan sa mga halimbawa nito ay ang pagsasagawa ng DA-4A ng mga pagsasanay sa produksyon, pagbibigay ng tulong-pinansyal at mga makinarya, at ang pag-uugnay ng mga produser sa mga institusyonal na mamimili.
Aabot sa 20 na opisyal mula sa Sariaya Corn Farmers Association (SACOFA), Tumbaga I Bucal Irrigators Association Inc. (TIBIA), Sariaya Farmers Federation (SAFAFED), at Palcon Dairy Multi-Purpose cooperative ang lumahok sa pagsasanay kung saan sila ay kinonsulta ng mga teknikal na kawani ng DA-4A hingil sa kasalukuyang lagay ng kanilang mga pananim at alagang hayop. Gayundin ang mga naaangkop na suportang hangad nila mula sa produksyon hanggang sa pagmamarket.
“Buti na lamang at may ganitong programa ang DA kasi kami po talaga bilang asosasyon ay nangangailangan ng mga taong magtuturo gaya nila tungkol sa mga papel na kailangang ma-accomplish. Ito rin ang nagbibigay sa samahan namin ng encouragement na mayroon kaming gobyernong maasahan,” ani Manuel Driz, presidente ng SACOFA.
Kasama rin sa aktibidad sina F2C2 Secretariat Joel Samaniego, Municipal Agriculturist ng Sariaya Gilbert Heli, at representante ng Agricultural Program Coordinating Officer (APCO) para sa Quezon Joy Tan. #### ( Danica Daluz)