Upang tuluyang maiparating ang kinakailangang interbensyon ng mga magsasaka, tatlong samahan mula sa tatlong bayan ng Quezon ang sinanay ng Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) Farm and Fisheries Clustering and Consolidation (F2C2) Program sa paggawa ng Cluster Development Plan (CDP) noong 14-16 Setyembre 2022.
Ang CDP ang pangunahing kasangkapan na naglalaman ng mga ebalwasyon sa katayuan at pangangailangan ng bawat samahan na natipon ng F2C2 Program. Ito ang nagiging basehan ng DA sa pagbibigay ng naaayon at sustenableng mga suporta.
Mula sa bayan ng Alabat, Infanta, at General Nakar ay 22 na magpapalay at magca-cacao ng Alabat Cacao Growers Association, Langgas Irrigators Association, at Infanta-General Nakar Producers Cooperatives ang lumahok sa naturang pagsasanay. Dito ay kinapanayam sila ng mga teknikal na kawani ng DA-4A upang maisaayos ang lahat ng aspeto ng kani-kanilang CDP.
“Thankful ako sa mga expert na nagtuturo sa amin mula sa DA kasi naipapaliwanag nila nang maayos ang mga gagawin na may kasama pang mga halimbawa na binabatayan namin,” ani Myrna Combalicer, General Manager ng Infanta-General Nakar Producers Cooperative.
Kabilang sa mga gumabay sa aktibidad ay sina Alternate Focal Person ng F2C2 Jhoanna Santiago, F2C2 Secretariat Joel Samaniego, mga representante ng Agricultural Program Coordinating Officer (APCO) at Office of the Provincial Agriculturist (OPA) para sa Quezon, at iba pang kawani ng lokal na pamahalaan at DA-4A. #### ( Danica Daluz)