Pinangunahan ng Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) at Regional Agriculture and Fisheries Council (RAFC) ang pagpupulong sa pagitan ng mga stakeholders ng livestock sector sa Calabarzon at Bureau of Animal Industry (BAI) noong 14 Setyembre 2022 sa LARES Hall, Lipa City, Batangas.
Binuo ang pulong ng mga magbababoy, mga beterinaryo, at mga representante mula sa BAI, United Batangas Swine Raiser’s Association Inc. (UNIBAT), Department of Interior and Local Government (DILG), dibisyon ng mga nagpepermit at lisensya, at iba pang kawani mula sa lokal na pamahalaan.
Layunin ng aktibidad na talakayin ang Memorandum Circular (MC) No. 35 Series of 2022 ng BAI na naglalaman ng mga alituntunin para sa aplikasyon ng Certificate of Free Status of African Swine Fever (CFS-ASF) at pakinggan ang mga hinaing at suwestyon ng mga magbababoy.
“Napakahalaga na magkaroon tayo ng konsultasyon pagdating sa mga kailangan sa proseso ng produksyon ng livestock gaya ng pagpapasertipa para matiyak natin ang sapat at ligtas na suplay ng pagkain,” ani Director Bragas.
“Patuloy nating tulungan ang kabuhayan ng ating mga magbababoy dahil sila ang nagpapalakas ng ekonomiya sa rural,” DA-BAI Director Dr. Reildrin Morales.
Samantala, nagpahatid ng pasasalamat online si Regional Agriculture and Fishery Council (RAFC) Chairman Pedrito Kalaw sa pagkakataon na mapagtulungan ang pagbibigay solusyon sa mga pagsubok na kinakaharap ng industriya ng livestock.
Sa pagtatapos ng aktibidad ay nagkaroon ng kanya-kanyang komento at rekomendasyon ang mga partisipante sa iba pang requirement sa proseso ng pagta-transport ng baboy gaya ng veterinary health certificate at mga clearance.
Dumalo rin sa nasabing pulong sina OIC-Regional Technical Director for Operations and Extension Marcos Aves, Sr., OIC-Regional Technical Director for Research, Regulations, and Integrated Laboratories Fidel Libao, at iba pang kawani ng DA-4A. #### (Danica Daluz Von Samuel Panghulan)