Aabot sa 2,495 na magpapalay mula sa Tagkawayan at Calauag, Quezon ang nakatanggap ng tig-P5,000 sa ilalim ng patuloy na implementasyon ng Rice Competitiveness Enhancement Fund-Rice Farmers Financial Assistance (RCEF-RFFA) program ng Department of Agriculture (DA) noong 22-23 Setyembre 2022.
Ang RCEF-RFFA ay alinsunod sa Republic Act (RA) No. 11203 o “Rice Tariffication Law (RTL)” at RA No. 11598 o “Cash Assistance for Filipino Farmers” na naglalayong magkaloob ng direktang suportang pinansyal sa mga kwalipikadong magpapalay mula sa mga labis na taripang nalikom sa mga naangkat na bigas ng bansa.
“Ang halagang inyong matatanggap ay pwedeng gamitin pambili ng abono, binhi, at iba pa ninyong pangangailangan,” ani DA IV-CALABARZON OIC-Regional Executive Director Milo Delos Reyes.
Samantala, siniguro ni Congressman Mike Tan na patuloy na bibigyang pansin ang mga magsasaka sa konggreso kung kaya patuloy din na magpapatupad ng mga batas na tiyak na makakatulong sa mga magsasaka gaya ng RCEF-RFFA.
“Dahil sa limang-libong ito, may pambili na ako ng abono at mga kagamitan na kailangan ko tulad ng pang-spray sa damo at iba pa. Malaki ang aking pasasalamat kasi noon pa man, kaming mga magsasaka sa Tagkawayan ay hindi pinapabayaan ng DA,” ani Juanita Petalcoren, magpapalay sa Tagkawayan.
“Ako po’y natutuwa dahil tinutulungan kami ng mga taga-DA na mag-asikaso ng mga papel na kailangan para makakuha rin nitong limang-libo. Nagpapasalamat ako hindi lang dahil kami’y nabigyan kundi dahil ramdam namin na kami ay sinasamahan,” ani Romnick Par, magpapalay sa Calauag. #### (Danica Daluz Ma. Betina Perez)