Aabot sa 21,635,000 halaga ng tulong-pinansyal ang naipamahagi ng Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) sa labing-isang bayan ng Quezon noong 5-7 Oktubre 2022.
Tinatayang 4,327 na magpapalay mula sa bayan ng Polillo, Panukulan, Burdeos, Patnanungan, Jomalig, Macalelon, Pitogo, Agdangan, Unisan, Padre Burgos, at Sariaya ang nakatanggap ng tig-lilimang libong piso (P5,000).
Ito ay sa pamamagitan ng Rice Competitiveness Enhancement Fund-Rice Farmers Financial Assistance (RCEF-RFFA) alinsunod sa Republic Act (RA) 11203 o βRice Tarrification Lawβ.
Pinangunahan ni OIC-Regional Executive Director Milo Delos Reyes ang pagbibigay-linaw sa mga magpapalay ng nasabing umiiral na batas at kahalagahan ng mainam na pakikipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan.
Dala ang mga ibinahaging nutribun at admission kit, nakiisa rin sa aktibidad si Senator Imee Marcos na nagpugay sa aktibong pagtugon ng DA-4A sa pangangailangan ng mga magsasaka at mangingisda lalo pa at katatapos lamang ng bagyo.
Kaakibat nito, nagbigay ang DA-4A ng iba pang pangangailangan na interbensyong pangsaka gaya ng mga butong pananim na gulay at mais, hauling truck, pataba, veterinary drugs, pruning saw, at iba pang kagamitan.
Samantala, isa sa mga benepisyaryo ang nagbahagi ng pagkagalak dahil sa mga naiuwing gulay, barayti ng mga butong pananim, at tulong-pinansyal na aniya ay ipambibili ng pataba at pandagdag sa baon ng kanyang anak na nag-aaral sa larangan ng agrikultura. Siya ay si Josenia Villanueva, magpapalay mula sa Polillo, Quezon. #### (Danica Daluz)