Aabot sa P43,510,270.12 milyong halaga ng tulong pinansyal, interbensyong pang-agrikultura, at farm-to-market roads ang ipinagkaloob ng Department of Agriculture Region IV-CALABARZON (DA-4A) sa Lobo, Batangas, noong ika-13 ng Oktubre.
Kabilang sa mga ipinagkaloob sa 13 Farmers’ Cooperatives and Associations ng Lobo ay ang biosecured and climate-controlled finisher operation facility, alagaing baboy, feeds, makinaryang pansaka, farm inputs, at garden tools.
Samantala, tinanggap ng 240 magpapalay ang tig-lilimang libong piso (P5,000) sa pamamagitan ng Rice Competitiveness Enhancement Fund-Rice Farmers Financial Assistance (RCEF-RFFA) alinsunod sa Republic Act (RA) 11203 o “Rice Tarrification Law.”
Ipinaabot ni DA-4A OIC-Regional Executive Director Milo delos Reyes ang kanyang pagbati at pasasalamat sa lahat ng mga magsasaka ng bayan.
“Isa pong karangalan na kayo ay makaharap at personal na maigawad ang iba’t ibang interbensyon ng Kagawaran ng Pagsasaka. Isa po sa sinisigurado ko na ang aming tanggapan ay walang kinikilingan sapagkat ang agrikultura ay para sa lahat,” ani Dir. de los Reyes.
“Salamat po sa DA sa suporta na inyong laging ibinibigay sa aming mga magsasaka ng Lobo. Sinisigurado ko po na lalo pa po kaming magsisikap upang mapaunlad ang aming kabuhayan,” ani Jaybanga Farmers Association Chairman G. Gregorio Balmes.
Tampok din sa aktibidad ang pagdaraos ng Kadiwa ni Ani at Kita na nilahukan ng Buklod-Unlad Multipurpose Cooperative, Mira’s Turmeric Products, Root crop Growers of Batangas, The Rosario Livestock & Agricultural Farming Cooperative.
Nakiisa din sa aktibidad sina 2nd District of Batangas Representative, Cong. Gerville Luistro at Lobo Municipal Mayor Lota Manalo, Philippine Coconut Authority IV-A Regional Manager Bibiano Concibodo Jr., at iba pang mga kawani ng DA-4A.