Bago tuluyang maipagkaloob ang mga interbensyong multi-cultivator sa mga magsasaka, nagsagawa ang Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) ng acceptance testing upang suriin ang kalidad at ispesipikasyon ng mga ito.
Ang acceptance testing ay bahagi ng proseso ng pamamahagi alinsunod sa Department Circular (DC) No.10 series of 2018 o National Guidelines on Testing and Evaluation of Agricultural and Fisheries Machinery na nagtatakdang siguruhin ang tamang lagay ng mga makinarya bago ito opisyal na ibigay sa mga benepisyaryo.
Kaakibat nito, sinanay din ang mga magsasakang tumanggap sa pamamagitan ng demonstrasyon sa operasyon at wastong pagmimentena ng multi-cultivator. Pinangunahan ito ng mga kawani mula sa Regional Agricultural Engineering Division (RAED).
Ang multi-cultivator o multi-tiller ay isang uri ng hand tractor na ginagamit sa paghahanda o pagbubungkal ng lupang ginagamit sa pagtatanim. Maaari itong kabitan ng mga kasangkapang pang-araro, pandurog ng lupa, paggawa ng kamang taniman, at iba pa. #### ( Danica Daluz RAED)