Sa pagdiriwang ng buwan ng paghahayupan ngayong Oktubre, idinaos ng Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) ang Livestock Congress 2022 noong ika-28 ng Oktubre sa Lipa Agricultural Research and Experiment Station (LARES) Hall, Lipa City, Batangas.
Layon ng Congress na talakayin ang estado ng paghahayupan sa rehiyon, mga hakbang sa proseso ng pagkuha ng sertipikasyon na Good Animal Husbandry Practice (GAHP), pamamahala sa iba’t-ibang uri ng sakit ng hayop, at iba pa.
Binuksan ang aktibidad sa iba’t-ibang livestock at poultry raisers, mga naghahanap ng koneksyon sa merkado, mga nagnanais na pumasok sa sektor ng paghahayupan, at sa lahat ng interesado.
Sa kanyang mensahe, ibinahagi ni OIC-Regional Executive Director Milo delos Reyes ang kahalagahan ng pakikilahok sa congress upang mas maging malinaw ang mga impormasyon na kinakailangang matutunan nang sa gayon ay patuloy na makamit ang mataas na kalidad ng mga produktong mula sa CALABARZON kaakibat ng pagiging masigasig sa pakikipag-kompetensya sa merkado.
Tampok sa aktibidad ang pagkakaroon ng eksibisyon ng mga kooperatiba, asosasyon, at korporasyon ng kani-kanilang produktong livestock. Sila ay ang Rosario Livestock and Agriculture Farming Cooperative mula sa Philippine Carabao Center (PCC) at University of the Philippines Los Baños (UPLB), National Dairy Authority (NDA) South Luzon Department, Batangas Egg Producers Multi-Purpose Cooperative (BEPCO), San Jose Workers’ Multi-Purpose Cooperative, East Asia Veterinary Products, Inc. (EAVPI), Association of Rabbit Meat Producers, Inc.-Province of Rizal Chapter (ARaMP Rizal), Llano Farmers Multi-Purpose Cooperative, Luntian Multi-purpose Cooperative, Victoria Laguna Duck Raiser and Egg Management Association, Lacto-Bio+, Regional Artificial Insemination Center, at Quezon Agricultural Research and Experiment Station (QARES).
Taos puso ang pasasalamat ng isa sa mga nag-exhibit ng kanilang produktong gatas at pastillas na si Rico Huerfas mula sa Llano Farmers Multi-Purpose Cooperative. Aniya, isang malaking karangalan na naipakilala nila sa congress ang kanilang mga produkto, nabigyan ng pagkakataon na makasalamuha ang mga kapwa nagmamarket sa industriya, at nakapakinig ng mga essensyal na aralin sa larangan ng paghahayupan.
Sa ngalan ng ikauunlad pa ng sektor ng paghahayupan, ang mga dumalo ay nabigyan ng pagkakataon na magtanong at magbahagi ng mga isyu at potensyal na suwestyon na tinutugon din ng mga teknikal na kawani mula sa DA-4A at iba pang katuwang na ahensya nito. #### ( Danica Daluz RAFIS)