Bilang paghahanda sa darating na taniman ng palay sa tag-araw, nagtungo ang Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) Rice Program upang mangolekta ng datos sa mga palayan ng Morong at Baras, Rizal sa tulong ng Philippine Rice Information System (PRISM) noong Nobyembre 24-25, 2022.

Ang PRISM ay isang teknolohiyang gumagamit ng satellite kung saan nakapagbibigay ito ng tiyak, napapanahon, at espesipiko sa mga lugar ng impormasyon ukol sa estado ng mga pananim na palay. Kasama rito ng mga kalkulasyon sa lawak ng palayan at dami ng ani, mga angkop na araw ng pagtatanim, ebalwasyon sa kalusugan ng mga pananim, at ulat sa mga pinsala sa oras ng kalamidad.

Ilan sa mga datos na kinalap ay ang barayti o klase ng mga binhing itinanim, kabuuang lawak ng lupang pinagtaniman, dami ng ani kada ektarya, mga pataba at pestisidyong ginamit, metodo ng pag-aaplay, at iba pa.

Malaki ang pasasalamat ni Nick Santigo na isang magpapalay sa Morong at aktibong gumagamit ng PRISM. Aniya, mas naging madali para sa kanila na iorganisa ang mga kailangang datos ng kagawaran na nagiging batayan sa pagbababa sa kanila ng tulong at interbensyon.

Samantala, bahagi din ng pagbisita ang pagtingin sa mga aktibidad na ginagawa ng mga magsasaka sa ilalim ng proyektong Abonong Swak na naglalayong mabalanse ang paggamit ng organiko at inorganikong mga pataba. #### (βœπŸ»πŸ“ΈDanica Daluz)