Aabot sa P5.5 milyong halagang biosecured at climate-controlled finisher operation facility ang sisimulang itayo ng Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) para sa samahan ng The Manggalang Agrarian Reform Beneficiaries Cooperative (MARBENCO) mula sa Sariaya, Quezon.
Opisyal itong pinasinayaan, sa pangunguna ni OIC-Regional Executive Director Milo delos Reyes noong ika-2 ng Disyembre 2022.
Ayon kay Dir. delos Reyes, ang proyektong ito sa ilalim ng programang Integrated National Swine Production Initiatives for Recovery and Expansion (INSPIRE) ay handog ng gobyerno upang makabawi sa sakunang naidulot ng African Swine Fever (ASF). Hinikayat niya ang patuloy na sigasig ng kooperatiba na silbi ring naging dahilan upang agarang mapagkalooban sila ng nasabing pasilidad.
Ang naturang pasilidad ay mayroong teknolohiya na kayang kontrolin ang klima sa pasilidad, angkop na imbakan ng mga dume, pangunahing kagamitang-pansaka, imbakan ng mga pakain sa baboy, paliguan, at iba pa.
Batay sa Zoning Status ng ASF sa rehiyon, ibinahagi ni Provincial Veterinarian Dr. Flomella Caguicla na ang bayan ng Sariaya ay umangat mula sa red zone papuntang pink zone na naglalarawan bilang “ASF Free”. Aniya, bago pa ang pag-usbong ng sakit ay sila na ang may pinakamaraming populasyon ng baboy sa buong lalawigan ng Quezon kaya naman isa itong malaking kaginhawaan sa larangan ng livestock.
Buo naman ang panata ng pangulo ng MARBENCO na si Bonifacio Español, Jr. na patuloy nilang pag-iingatan ang bigay ng gobyerno at sisiguruhing hindi na muling makakapasok sa kanilang babuyan ang ASF. Habang wala pang bakuna para sa naturang sakit, ang kanilang layon na solusyon ay isang mahigpit na biosecurity.
Dumalo rin sa aktibidad ang mga representante nina Quezon Governor Angelina Tan, Quezon 2nd District Representative David Suarez, at Municipal Mayor Marcelo Gayeta. Gayundin sina Sariaya Municipal Vice Mayor Alexander Tolentino, Agricultural Program Coordinating Officer (APCO) para sa Quezon Rolly Cuasay, Sangguniang Bayan Chairperson in Agriculture Vince Rudolph Banta, OIC-Municipal Agriculturist Nelia Oribe, Barangay Manggalang 1 Chairperson Hermanito Reyes, Livestock Program Coordinator Jerome Cuasay, at iba pang kawani ng DA-4A. #### (✍🏻📸Danica Daluz)