Sa patuloy na paglaganap ng makabagong teknolohiya kaakibat ang iba’t ibang potensyal na pamamaraan sa pangangalakal o pagtitinda, sinanay ng Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) ang labing-isang (11) Farmers Cooperatives and Associations (FCAs) sa rehiyon ukol sa digital marketing noong 6-7 Disyembre 2022.
Ang digital marketing ay ang pag-aalok at pagbebenta ng produkto o serbisyo gamit ang ‘digital’ na pamamaraan sa pamamagitan ng computer o smart phone, partikular ang paggamit ng social media networks (e.g. Facebook, Instagram), mga aplikasyon, at internet.
Sa pangugnuna ng DA-4A Agribusiness and Marketing Assistance Division (AMAD), layon ng aktibidad na palakasin ang kapasidad ng mga FCAs sa rehiyon, partikular ang mga Micro Small and Medium Enterprises (MSMEs), sa pagbuo ng mga estratehiya tungo sa sustenable at malawak na paraan ng pangangalakal ng kani-kanilang produktong agrikultural.
Ayon kay AMAD Agribusiness Promotion Section Chief Richmond Pablo, kinakailangang sumabay ng mga FCAs sa mga napapanahong paraan kung saan ang mga mamimili ay natuto sa malawakang paggamit ng digital technologies.
Ilan sa mga tinalakay ay ang pagpapaunlad ng pangalan at presensya ng organisasyon, paggagawa ng business model, pakikipag-ugnayan sa mga mamimili, proseso ng pagbabayad, at iba pa, gamit ang social media networks o internet.
Lumahok sa pagsasanay ang Southern Luzon Farmers and Traders (SOLUFAT), Rosario Livestock Farmers Cooperative, General Trias Dairy Cooperative, Salaban II Women’s Multi-Purpose Cooperative, Pinagdanlayan Rural Improvement Club Multi-Purpose Cooperative, Buklod Unlad Multi-Purpose Cooperative, Barigon Multi-Purpose Cooperative, Magsasakang Tanauaeño Agriculture and Marketing Cooperative, Tanauan Organic and Natural Farmers Association Incorporation, Samahang Maggagatas ng Batangas Cooperative (SAMABACO), at San Pedro Multi-Purpose Cooperative.
Samantala, nagpasalamat si Sales and Marketing Officer ng Buklod Unlad Multi-Purpose Cooperative Imee Atienza sa oportunidad na ibinigay sa kanila ng aktibidad upang sila ay turuan na mas mapaganda pa ang mga social media account lalo na sa pagdidisenyo ng mga post dito. #### (✍🏻📸Danica Daluz)