Magkatuwang ang Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA IV-A) at DA- Agricultural Training Institute IV-CALABARZON (DA-ATI IV-A) sa ginanap na Ceremonial MOA Signing for the Establishment of the Province-led Agriculture and Fisheries Extension System (PAFES) sa probinsya ng Cavite, Laguna, Rizal, at Quezon na kinabilangan rin ng pinal na presentasyon ng Collaborative Provincial Agricultural and Fisheries Extension Program (CPAFEP) noong ika-28 hanggang ika-29 ng Nobyembre sa Tagaytay City.
Ang naturang aktibidad ay naging marka ng patuloy na pagpapalakas at pagkakaugnay ng bawat probinsya sa rehiyon alinsunod sa programang PAFES ng Kagawaran ng Pagsasaka kaugnay sa Executive Order No. 138 o ang The Full Devolution of Certain Functions of the Executive Branch to Local Governments.
Ang PAFES ay isang inter-agency network kung saan ang pamahalaang nasyunal sa pamamagitan ng Kagawaran ay tutulong sa panglalawigang pamahalaan na palakasin ang mga programa sa sakahan at pangisdaan.
Masayang pagbati ang ipinaabot ni DA-4A OIC-Regional Executive Director Milo delos Reyes sa lahat ng dumalo sa seremonya at nakiisa sa mahalagang aktibidad na ito.
Aniya, ang unang bahagdan na pag-uugnay sa probinsya ay naisakatuparan na at ang mga susunod na hakbang ay napakalaki ang importansya sa industriya ng pagsasaka.
“Ang prosesong pagdadaanan ay hindi magagawa sa iisang araw lamang, maaaring hindi matapos sa isang taon lang, subalit dapat ay patuloy nating isa-isip at isa-puso na ang bawat isa ay mayroong gagampanan, kailangan lahat ay agresibo upang masiguro ang food security sa rehiyon,” ani direktor delos Reyes.
Magsisilbi namang gabay ang iprinesentang CPAFEP ng bawat probinsya sa pagpapatupad ng mga programa at proyektong pang-agrikultura sa kani-kanilang lalawigan.
Ang seremonya ay dinaluhan nina DA-ATI IV-A OIC-Training Superintendent, Dr. Rolando Maningas kasama ang mga kawani ng tanggapan, mga opisyal ng DA-4A at PAFES core team, Bise- Gobernador Junrey San Juan ng probinsya ng Rizal, at mga kinatawan ng apat na probinsya. ####