Aabot sa 25 na Bio-secured and Climate-Controlled Finisher Operation Facilities ang naipatayo ng Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) simula Enero hanggang Nobyembre 2022 para sa Livestock Farmers’ Cooperatives and Associations ng rehiyon bilang bahagi ng implementasyon ng Integrated National Swine Production Initiatives for Recovery and Expansion (INSPIRE) Community-Based Swine Production thru Clustering and Consolidation Program.
Ito ay inulat ni Bb. Diana Rose V. Alcala, Alternate Focal Person ng DA-4A Regional Livestock Program (RLP), sa DA-4A RLP Year-End Assessment noong ika-6 ng Disyembre, na naglalayong ipresenta ang ulat ukol sa estado ng implementasyon ng mga programa para sa taong 2022.
Ang programang INSPIRE ay tugon ng pamahalaan upang patuloy na maiangat ang kabuhayan ng magbababoy sa bansa. Layunin din ng programa na maparaming muli ang bilang ng mga alaga sa pamamagitan ng suportang teknikal, pinansyal, at imprastraktura.
Samantala, sa pamamagitan ng Calibrated Repopulation – Implementation of Sentinel Protocol, nakapagbahagi ang ahensya ng 3,795 sentinel na baboy sa 1,275 na benepisyaryo mula sa iba’t ibang probinsya ng rehiyon.
Inilahad sa naturang assessment ang naisakatuparang targets ng Unified National Artificial Insemination Program (UNAIP) kung saan mayroong 8,130 semilya ang naibahagi at tinatayang 5,512 AI accomplishments para sa beef cattle, buffalo, at dairy ang naitala.
Dagdag pa rito, anim na cattle, dalawang chicken, at isang goat multiplier farms; 14 na incubators; at apat na forage choppers ang natanggap ng mga livestock FCAs sa ilalim ng Provision of Agricultural Equipment and Facilities at Livestock Economic Enterprise Development Program.
Pinasalamatan ni Dr. Jerome Cuasay, Focal Person ng DA-4A RLP, ang mga kasamahan mula sa Agricultural Programs Coordinating Offices ng rehiyon sa hindi matatawarang serbisyo at dedikasyon para sa industriya ngayong taon. Aniya, kinakailangan ang magandang koordinasyon ng bawat isa upang maisakatuparan ang mithiin ng programa. ####
(✍📸: Jayvee Amir P. Ergino)