P5.5 milyong halaga ng biosecured at climate-controlled piggery ang ipinagkaloob ng Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) sa Samahan ng Magbababoy ng Barangay San Francisco (SMBS) sa Tagkawayan, Quezon.
Tanda ng opisyal na pagkakaloob ay isang Turn-Over Ceremony ang isinagawa noong ika-7 ng Disyembre sa pangangasiwa ng lokal na pamahalaan kasama ang mga kawani ng DA-4A mula sa Livestock Program at Regional Agricultural Engineering Division (RAED).
Ang SMBS ay mayroong 114 na miyembro ng mga magbababoy. Maituturing na sa bayan ng Tagkawayan, sila ang kauna-unahahg nabigyan ng nasabing pasilidad sa ilalim ng programang Integrated National Swine Production Initiatives for Recovery and Expansion (INSPIRE).
Ayon kay Chief Municipal Agriculturist Juanito Panganiban, nagbunga ang masigasig na pag-aasikaso ng samahan sa mga kinakailangang requirement para makamit ang proyektong ito. Sa kabila nito ay inaasahan niya ang malawak na pakikilahok ng bawat isa para naman sa mga pagsasanay na isasagawa pa sa larangan ng biosecurity.
Samantala, taos puso ang pasasalamat ni Pangulong Leovina Cabanella ng SMBS na nangakong pagyayamanin nila ang lahat ng bigay ng gobyerno upang ito ay mapalago at makatulong sa lahat ng magbababoy sa kanilang lugar.
Dumalo rin sa aktibidad ang representante ni Tagkawayan Mayor Carlo Eleazar, mga Contructor ng Astran Marketing and General Contractor Inc., Brgy. San Francisco Chairman Edmar Cantos, at iba pang bahagi ng lokal na pamahalaan. #### (✍🏻📸 Danica Daluz)