Itinanghal bilang kauna-unahang Participatory Guarantee System-Organic Certifying Body (PGS-OCB) ang Samahan ng Organikong Industriya ng Laguna (SOIL) Agriculture Cooperative ng Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) noong ika-9 ng Enero sa Sta. Cruz, Laguna.
Bilang PGS-OCB, ang SOIL ay may tungkuling magsagawa ng inspeksyon at kilalanin ang mga kapwa nitong samahan ng organikong magsasaka bilang certified organic farmers.
Ang PGS ay nakapaloob sa Republic Act (RA) 11511 o ang batas na inaamyendahan ang RA 10068 na naglalayon na mapayabong at mapalawig ang organikong pagsasaka sa bansa. Ito ay nagsisilbing locally focused quality assurance system na binubuo ng grupo ng organikong magsasaka na magiging alternatibo sa organic third-party certifiers.
Simula Hulyo 2022 ay sumailalim ang SOIL sa mga pagsasanay at pre-inspection activities na pinamahalaan ng DA-4A Regulatory Division at DA Bureau of Agriculture and Fisheries Standards.
Samantala, pormal na tinanggap ng miyembro ng naturang samahan ang kani-kanilang Participatory Organic Certificates. Kabilang na rito sina Gng. Suzette Sales ng Sweet Nature Farm; Gng. Lourdes Arcasetas ng Gintong Bukid Farm and Leisure; G. Reden Mark Costales ng Costales Nature Farms; Gng. Marijane Ison ng CocoA Vanilla Farm; at G. Emilio Climaco ng CHEFerd’s Farm.
Sa kanyang mensahe, sinabi ni DA-4A Regional Executive Director Milo delos Reyes na inspirasyon ang SOIL sa lahat ng organikong magsasaka para sa patuloy na pagpapayabong ng industriya. Aniya, nagsisilbi rin itong hamon sa iba pang orgakinong magsasaka na mapabilang sa PGS at maging certified organic farmers.
Bilang suporta ng DA-4A, ang SOIL ay tatanggap ng pang-agrikulturang interbensyon na aabot sa P6,902,000. Kabilang na rito ay ang livelihood project, mga kagamitan sa pagtatanim, at inputs.
Kasabay nito, tatanggapin din ng Costales Nature Farms ang P317,000 halaga ng interbensyon bilang karagdagang suporta ng DA-4A Organic Agriculture Program (OAP).
Patuloy na hinihikayat ng DA-4A OAP ang iba’t ibang grupo ng organikong magsasaka na makiisa at sumailalim sa PGS. Sa katunayan, inaasahang may sampu pang grupo ng organikong magsasaka mula sa lalawigan ng Laguna ang mabibigyan ng sertipikasyon at bubuo ng panibagong PGS Core Group. #### (Jayvee Amir P. Ergino, DA-4A RAFIS)