Patuloy ang paghimok ng Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) sa mga magsasaka na maging Philippine Good Agricultural Practices (PhilGAP) certified ang kanilang sakahan. Kaugnay nito, nagsagawa ang DA-4A ng PhilGAP information caravan noong ika-4 ng Hulyo, 2023 sa Lipa City, Batangas.
Layunin nito na maipabatid sa mga magsasaka at mga samahan ang kahalagahan ng food safety habang tumutugon sa pangangailangan ng merkado at mga konsyumer sa dekalidad at ligtas na pagkain sa pamamagitan ng pagkuha ng sertipikasyon mula sa mga kinatawan PhilGAP.
Ang naturang sertipikasyon ang magpapatunay na ang isang sakahan ay sumunod sa mga alituntunin patungkol sa kalidad ng produkto, food safety, pangangalaga sa kapaligiran ,at kalusugan o kapakanan ng mga mangagawa.
Ayon kay Regional Executive Director Milo delos Reyes, ang agrikultura ang pag-asa ng paglago ng ekonomiya, sa pamamagitan ng pagkuha ng sertipikasyon at pagsunod sa alituntunin ng PhilGAP, mas tataas ang ani kasabay ang presyo nito at makakasigurado Β na ligtas ang pagkain ating kakainin.
Samantala, nagkaroon pakikipag-ugnayan ang mga dumalong samahan ng mga magsasaka sa posibleng pagbebentahan ng kanilang GAP-Certified products tulad ng Mama Sitas, 7-Eleven, Dizon Farms at ang Longwoods Agri Farms. Ito ay sa pangunguna ng Agribusiness and Marketing Assistance Division. #### (Bryan E. Katigbak, DA-4A RAFIS)