Galak at pasasalamat ang naramdaman ng dalawang samahan ng magkakape at magka-cacao ng Quezon sa Department of Agriculture – Philippine Rural Development Project (DA-PRDP) at sa lokal na pamahalaan ng Quezon matapos pormal na tumanggap ng Php 14.3 milyong proyektong pangkabuhayan.
Ang mga nasabing proyekto ay ang Lopez Tablea Production na iginawad sa Cacao Growers Association of Lopez (CGAL) at ang Guinayangan Coffee Processing na tinanggap naman ng Guinayangan Coffee Growers Association and Farm Entrepreneurs (G-CAFE). Parehong nakatanggap ang mga samahan ng processing facility at van. Nakatanggap rin ang CGAL ng processing equipment ng cacao tulad ng desheller at chiller.
“Nagpapasalamat kami sa DA-PRDP at sa pamahalaan ng Quezon dahil ang pangarap naming magkaroon ng sariling lugar para iproseso ang kapeng Guinayangan ay nagkatotoo na. Mas mapapaganda pa namin ang kalidad ng aming produkto di tulad noon na sa iba’t ibang lugar pa ipinoproseso ang aming kape,” ani Raquel de Luna, pangulo ng G-CAFE.
“Kapalit ng mga suportang aming natanggap ay ang aming pagsisikap na pagandahin pa at pagyamanin ang aming pagproproseso ng cacao dito sa Lopez. Mas paghuhusayin pa namin upang ganap na makilala at tangkilikin itong aming produktong tsokolate,” bahagi naman ni Bernardo Cantuba, pangulo ng CGAL.
Layunin ng mga proyektong ito na palakasin ang industriya ng kape at cacao sa mga lokalidad sa pamamagitan ng pagproproseso na magpapataas ng halaga ng mga produkto, pagbibigay ng siguradong merkado sa mga magsasaka at ng karagdagang kabuhayan sa mga mamamayan.
Samantala, ipinahayag ni Engr. Redelliza Gruezo, Deputy Project Director ng DA-PRDP Regional Project Coordination Office CALABARZON, na patuloy na susuporta ang DA-PRDP at Department of Agriculture partikular na ang High-Value Crops Development Program sa pagsisiguro na magiging sustenable ang mga interbensyong ito at pagpapa-unlad pa ng mga taniman ng kape at cacao sa rehiyon.
Dumalo din sa seremonyas si Dra. Helen Tan, punong lalawigan ng Quezon, Atty. Mike Tan, kongresista ng ika-apat na distrito ng Quezon, Mayor Rachel Ubana ng Lopez, at dating Guinayangan Mayor Cesar J. Isaac III. Katulad ng DA, inihayag din nila ang patuloy nilang suporta sa mga samahan tungo sa ikauunlad ng kanilang kabuhayan at ng industriya ng kape at cacao sa Quezon.