Sa tulong ng Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) Organic Agriculture Program (OAP) at Regulatory Division, limang farm sa lalawigan ng Batangas ang nagawaran ng Participatory Organic Certificate (POC) mula sa Bureau of Agriculture and Fisheries Standards (BAFS) noong Hulyo 7, 2023.
Ang Participatory Organic Certificate (POC) ay isang kasulatan na nagpapatunay na ang mga pangunahing miyembro ng isang Participatory Guarantee System (PGS) group ay sumunod sa lahat ng mga requirements at pamantayan ng Philippine National Standards (PNS) on Organic Agriculture (OA).
Nilikha ang PGS upang magkaroon ng isang pamamaraan ng sertipikasyon para sa mga organikong produksyon na makukuha sa mas abot-kayang paraan ng mga maliliit na magsasaka at mangingisda.
Ang PGS group ay binubuo ng di bababa sa limang miyembro na ang sakahan ay may kombinasyon ng crops at livestock. Sila ay isang legal na asosasyon o kooperatiba ng mga magsasaka o stakeholders na rehistrado, sertipikado at kinikilala ng DA. Ang mga miyembro ng akreditadong PGS group ang may kapangyarihan na magsertipika na ang isang produkto ay galing sa organikong sistema ng pagsasaka.
Samantala, ang limang pangunahing miyembro o core PGS Group ng Batangas Organic and Natural Farming Agriculture Cooperative (BONFAC) na nagawaran ng naturang sertipikasyon ay ang Chadβs Nature Farm ng Mataas na Kahoy, Ole Farm Well ng Padre Garcia, RLI Fruit Farm ng Bauan, Iglesias Farms ng Malvar, at San Jose Farm ng San Jose. Maaari na silang mag-aplay ng akreditasyon bilang maging isang ganap na Organic Certifying Body (OCB) kung saan maaari silang mag-inspeksyon, mag-isyu ng sertipikasyon sa organikong pagsasaka at kumpirmahin kung ang isang produktong binebenta ay organiko.
Para sa mga interesadong indibidwal o grupo na nais maging sertipikado ang kanilang produkto bilang organic, maaaring makipag-ugnayan sa DA-4A o sa City/Municipal Agriculturist Office.