Aabot sa 11,789 na magsasaka ang makakatanggap ng tig-tatlong libong pisong halaga ng suporta pang-gasolina sa pamamagitan ng Fuel Assistance to Farmers Project (FAFP) ng Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A).
Ang FAFP ay isa sa mga proyekto ng DA na isasakatuparan upang siguruhin ang tuluy-tuloy na produksyon ng pagkain sa kabila nang mataas na presyo ng krudo na kinakailangan sa pagpapatakbo ng mga makinaryang pangsakahan.
Batay sa panuntunan, ang mga benepisyaro sa naturang proyekto ay mga magsasaka na nakarehistro sa Registry system for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA); nagmamay-ari o umuupa ng gumaganang makinarya na nakarehistro sa Agricultural and Biosystems Engineering Management Information System (ABEMIS); at nakatira sa mechanized or consolidated na mga lugar.
Dagdag pa rito, prayoridad sa programa ang mga magsasaka na hindi pa nakakatanggap ng suporta sa gasolina, umuupa ng makinarya sa Local Government Units (LGUs), at mga magsasakang nakatira malapit sa mga gasolinahan.
Ang nabanggit na halaga ng suporta ay ipapamahagi sa pamamagitan ng DA Intervention Monitoring Card kung saan ito ang ipepresenta upang makabili ng krudo sa akreditadong fuel merchants.
Sa kasalukuyan, ang kabuuang listahan ng mga magiging benepisyaryo ay dumadaan pa sa balidasyon sa RSBSA at inbentaryo ng mga makinarya ng ABEMIS.
Patuloy na isinasagawa ng DA-4A ang koordinasyon sa Provincial at LGUs at mga institusyong katuwang sa pagpapatupad ng programa upang agad na maipahagi ang naturang suporta sa mga magsasaka.