Nagsagawa ng Farmers’ Field School (FFS) ang Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) katuwang ang National Shrine of Padre Pio at Lokal na Pamahalaan ng Sto. Tomas, Batangas.
Aabot sa 16 na lider-magsasaka mula sa naturang lungsod ang naging estudyante sa FFS kung saan sila ay tinuruang mapalakas ang produksyon ng kanilang paggugulayan at tamang pamamahala ng iba’t ibang peste sa halaman.
Ayon kay Parish Priest and Rector Oscar Andal, ikinagagalak nilang ipagamit ang lupa ng simbahan at maitayo ang “KA PIO FARM” upang isulong ang pagkakaisa ng pamahalaan at simbahan para sa seguridad ng pagkain lalo na ang gulay. Ito, aniya, ay bahagi ng kanilang paglilingkod sa ngalan ng pananampalataya, mga kapwa tao, at ng kalikasan.
Samantala, ginanap ang opisyal na pagtatapos ng mga magsasaka noong ika-8 ng Agosto kasabay ng Harvest Festival ng kanilang mga itinanim na gulay bilang parte ng aplikasyon at produkto ng FFS.
Ang aktibidad ay naisakatuparan sa ilalim ng National Urban and Peri-Urban Agriculture Program (NUPAP) ng DA sa pangunguna nina DA-4A Regional Executive Director Milo delos Reyes, Field Operations Division Chief at NUPAP Focal Person Engr. Redelliza Gruezo, Agricultural Program Coordinating Officer (APCO) para sa Batangas Elizabeth Gregorio, representante ng Bureau of Plant Industry (BPI) para sa NUPAP, Sto. Tomas Mayor Atty. Arthur June Marasigan, at iba pang mga kawani. #### (Danica T. Daluz, DA-4A RAFIS)