Patuloy na isinasagawa ng Department of Agriculture – Philippine Rural Development Project (DA-PRDP) Regional Project Coordination Office (RPCO) CALABARZON ang pag-aaral nito sa mga daloy ng produktong agrikultural o Value Chain Analysis (VCA). Ito ay upang patuloy na magabayan ang mga lokal na pamahalaan, publiko at pribadong sektor, at mga magsasaka sa pagbuo ng mga proyekto, o programa patungkol sa agrikultura.
Ang VCA ay isang masusing pag-aaral na nagpapakita ng mga pinagdaraanang proseso ng isang produktong agrikultural mula sa pagkuha ng inputs hanggang sa marketing, ugnayan ng mga prodyuser, trader, processor, etc., mga problemang nararanasan sa industriya, at mga oportunidad tungo sa pag-unlad. Katuwang ng DA-PRDP ang DA Regional Field Office IV-A, mga lokal na pamahalaan, at iba pang ahensya sa pagbuo o pag-update ng mga VCAs.
Nakapagsagawa na ang DA-PRDP RPCO ng 15 VCAs sa mga sumusunod na produkto: dairy cattle, coffee, virgin coconut oil, banana, mangga, seaweeds, pineapple, cacao, chicken egg, broiler chicken, lowland vegetables, beef cattle, abaca, goat, at coconut oil. Dito lahat naka-angkla ang mga proyektong pinopondohan at ipinapatupad ng DA-PRDP. Nakabatay rin sa mga ito ang Provincial Commodity Investment Plans o PCIPs na naglalaman ng mga interbensyon, proyekto, o programa para sa pagpapaunlad ng sektor ng agrikultura sa kanilang mga lokalidad.
Ngayong taon, ina-update ng RPCO CALABARZON ang VCAs nito tungkol sa chicken egg at cacao base sa mga naging pagbabago sa industriya. Inaasahang matatapos ito sa katapusan ng taon.