Isang serye ng pakikipagpanayam sa mga Samahan o cluster ng magsasaka sa CALABARZON ang patuloy na isinasagawa ng Department of Agriculture IV-A (DA-4A) Farm and Fisheries Clustering and Consolidation (F2C2 Program) upang buuin ang limang taong plano na magpapaunlad sa kanila simula sa produksyon hanggang pagmamarket.
Ang planong ito ay tinawag na “Cluster Development Plan” na naglalaman ng pagkakakilanlan ng cluster, estado ng produksyon, at mga pangangailangan na itinatakdang matugunan sa loob ng limang taon. Ito ang magsisilbing basehan ng Kagawaran sa pagbababa ng suporta sa pamamagitan ng mga banner program at iba pang programa.
Bahagi ang CDP sa mga requirement ng DA-F2C2 Program na naglalayong gawing prayoridad na estratehiya ang pagkacluster sa mga magsasaka upang malapago pa ang kanilang produksyon at kita.
Kamakailan lamang ay labing-isang cluster simula ika-15 hanggang ika-18 ng Agosto ang pinuntahan ng grupo ng mga kawani ng DA-4A sa Batangas at Laguna. Sila ay ang Samahang Magsasaka sa Barangay Encarnacion, Pinagkaisang Magsasaka ng Pila (PMAP), Agap Farmers Association of Magalolon, Brgy. Bulihan – Lilian Farmers Association Inc., Galalan Agrarian Reform Beneficiaries MPC, Agap Farmers Association of Pangil Laguna, Calangay Habal-habal Association, Sama-samang Samahan ng Brgy. San Antonio, Maravilla-Alipit-Malinao Irrigators Association Inc., Cacao Farmers Association of Nagcarlan, at Sto. Niño Agro Forestry Farmers Association.
Ayon sa isang miyembro ng cluster ng PMAP mula sa Pila, Laguna na si G. Alberto Lozanta, napakadetalyado ng mga datos na kinuha sa kanila ng DA, dahilan para sila ay manabik na manatili sa samahan at magsikap sa pag-asang matupad ang limang taong planong ito ng pamahalaan para sa kanila. #### (Danica T. Daluz, DA-4A RAFIS)