Aabot sa sampung milyong pisong halaga ng pasilidad at iba pang suporta ang ipinagkaloob ng Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) sa Gulayamanan Agriculture Cooperative sa Brgy. Durungao, Bauan, Batangas noong Agosto 25, 2023.
Nakapaloob sa naturang suporta ang Biosecured and Climate-Controlled Finisher Operation Facilty, 300 bags ng starter feeds, 371 bags ng grower feeds, 300 ulo ng biik, at 53 gallons ng disinfectant na bahagi ng Integrated National Swine Production Initiatives for Recovery and Expansion (INSPIRE) ng Livestock Program para sa patuloy na pagpapaunlad ng mga pagbababuyan sa rehiyon.
Sa ilalim ng INSPIRE, makakatanggap ng mga interbensyon ang mga rehistrado at kwalipikadong organisasyon o kooperatiba ng mga magbababoy na nakapagpasa ng mga legal na dokumento at isang Civil Society Organization (CSO) Accredited, may lupang pagtatayuan na di bababa sa 2,000 sq.m., mayroon 30 hog raisers na miyembro at nasa isang Agro-Industrial area.
Taos pusong pasasalamat ang ipinaabot ni Dr. Anastacio Alvarez, pangulo ng Gulayamanan Agriculture Cooperative. Aniya napakalaking tulong ito sa mga magbababoy sa kanilang pamayanan na muling makabawi at makabangon sa pagkakalugmok sanhi ng African Swine Fever (ASF).
Para sa mga kwalipikadong Samahan, maaring makipag-ugnayan sa DA-4A Livestock Program o sa City o Municipal Agriculture Office.