Aabot sa dalawang daang (200) mag-aaral mula sa Malvar Senior High School ang dumalo nakilahok sa isinagawang “Information Caravan on Agriculture for the Youth” ng Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) noong ika-28 ng Setyembre sa Malvar, Batangas.
Ito ay pinangunahan ng DA-4A Regional Agriculture and Fisheries Information Section (RAFIS) sa layon na mahikayat ang mga kabataan na tahakin ang landas ng agrikultura at maiparating ang kahalagahan nito sa seguridad sa pagkain.
Tinalakay sa aktibidad ang mga paksang nakapokus sa kabuuang kahulugan at kahalagahan ng agrikultura, pagprogreso nito sa paglipas ng panahon, at mga landas na maaaring tahakin ng mga mag-aaral sa pagtungtong ng kolehiyo.
Nagsilbing mga tagapagsalita mula sa DA-4A sina Joy P. Priol ng Lipa Agricultural Research and Experiment Station (LARES), Dennis DL. Bihis ng Quezon Agricultural Research and Experiment Station, at Hazel D. Reyes ng Research Division.
Dito ay nabigyan din ng pagkakataon ang mga mag-aaral na magtanong at lumapit sa mga tagapagsalita sa huling bahagi ng aktibidad.
Ayon kay Malvar Senior High School Principal Rosalie Liwanag, napakaganda ng timing ng Kagawaran dahil nalalapit na ang pagtatapos ng mga mag-aaral at isang malaking hakbang din ito para sa kanilang mga guro na magbigay ng mas malawak na opsyon para sa kolehiyo. #### (Danica T. Daluz, DA-4A)