Anim na Young Farmers Challenge (YFC) awardee sa rehiyon ng CALABARZON noong
taong 2021 at 2022 ang muling nagprisinta ng kanilang business plan sa isinagawang
YFC Upscale: Enterprise Scaling Up ng Department of Agriculture IV-CALABARZON
(DA-4A) Agribusiness and Marketing Assistance Division (AMAD) noong ika-5
hanggang ika-6 ng Oktubre.
Ang YFC Upscale ay ang patuloy na pagbibigay suporta sa mga nanalong YFC awardee
na sumailalim sa ebalwasyon ng Program Management Team (PMT) sa nasyonal at
rehiyon. Layunin nitong muling magbigay ng kapital sa mga kabataang pumasok sa
sektor ng agrikultura upang mas mapaunlad pa ang kanilang negosyo.
Ang mga kalahok sa kompetisyon ay ang Siyudad Agrikultura nina Gabriel Paul
Serrano at Quisandra Jean Nera, What the Farm ni John Jhophet Diola, Rancho Velasco
Agri-Farm nina Lawrence Joseph Velasco at Elysah Velasco, Valentin Integrated Farm
ni Roanne Joy Valentin, Mushrylicious Haus of Production and Processing ni Gezhiel
Ann de Guzman, at Geni Poultry Farm ni Genevie Marqueses.
Nakatakdang mag-uwi ang tatlong negosyong mapipili ng tig-P300,000 at ang
tatanghaling kampeon ang magsisilbing kinatawan ng rehiyon sa 2023 YFC Upscale sa
nasyonal. Inaasahan na ilalabas ang resulta nito sa buwan ng Nobyembre.
Ayon kay Lawrence Joseph Velasco, dahil sa kanilang passion sa pag-aalaga ng pabo at
siglang manghikayat sa iba pang kabataan na pumasok sa industriya ay malaki ang
paniniwala nila sa potensyal na manalo ng kanilang negosyo. Buo rin ang kanilang
pasasalamat sa muling pagkakataon na ibinigay ng Kagawaran. #### (Danica T.
Daluz, DA-4A RAFIS)