Aabot sa P603,382 ang kabuuang halaga ng mga interbensyon na ipinagkaloob ng
Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) sa pamamagitan ng Balik
Probinsya, Bagong Pag-asa (BP2) Program at Adaptation and Mitigation Initiative in
Agriculture (AMIA) noong ika-12 ng Oktubre sa Antipolo City, Rizal.

Binuo ito ng 1,000 manok at 15 kulungan mula sa BP2 Program, 150 sako ng pakain
sa manok mula sa AMIA, at 400 punla ng kape, cacao, mangga, at ornamental plants
mula sa Bureau of Plant Industry (BPI).

Ang BP2 at AMIA ay kabilang sa mga programa ng Kagawaran na nakatuon sa
pagpapaunlad ng sektor ng agrikultura at pagpapatatag nito laban sa nagbabagong
panahon bilang suporta sa kabuhayan ng mga mamamayan sa komunidad lalo na sa
mga nagbabalik-probinsya.

Ilan sa mga Farmers Cooperatives and Associations (FCA) na nakatanggap ay ang
Tulungan sa Kabuhayan ng Calawis Inc., Bunsuran Calawis Women’s League, Calawis
Punlaang Bayan Inc., Calawis Agriculural Cooperative, San Joseph Free Farmers
Association Inc., San Joseph Punlaang Bayan Agro Reforestry Association, Marikina
Watershed Kaysakat Association, at APIA United Farmers Association Inc.

Bilang pasasalamat ay nangako si Rowena Millare na pangulo ng San Joseph Free
Farmers Association Inc. na sisiguruhing magiging ehemplo ang kanilang samahan sa
pangangalaga ng mga ibinigay ng DA, partikular ang mga naiuwi nilang katutubong
manok.

Samantala, ang naturang pamamahagi ay pinangunahan ni DA-4A Planning,
Monitoring and Evaluation Division Chief at BP2 at AMIA Focal Person Ma. Cecilia Ella
Obligado kasama ang iba pang kawani ng Kagawaran. #### (Danica T. Daluz, DA-4A
RAFIS)