Ibayong pag-asa ang naramdaman ng mga magpipinya ng General Luna, Quezon matapos tumanggap ng proyektong pangnegosyo sa processing mula sa Department of Agriculture – Philippine Rural Development Project at lokal na pamahalaan ng lalawigan ng Quezon.
Ang naturang proyekto ay ang Pineapple Processing in General Luna, Quezon na nagkakahalaga ng Php 13,121,510.22. Layon nitong tulungan ang 60 miyembro ng Samahan ng Magsasaka ng Brgy. Nieva, Inc. na itaas ang antas ng kanilang pamumuhay sa pamamagitan ng pagbibigay ng negosyo sa pagproproseso ng kanilang aning pinya upang maging kendi at juice.
Tinanggap ng samahan ang mga sumusunod mula sa proyekto: 216 sq. m-processing facility, delivery van, at mga processing equipment tulad ng extractor, chiller, dehydrator, double burner, atbp.
“Sa pamamagitan po ng proyektong ito, naniniwala po kami na aangat hindi lang ang pamumuhay ng ating mga magsasaka, kundi ang industriya na rin ng pagpipinya sa Quezon,” pahayag ni DA-PRDP Regional Project Coordination Office Calabarzon Deputy Project Director Engr. Redelliza Gruezo
“Maraming salamat dahil sa patuloy na pagtulong ng iba’t-ibang ahensya lalo na ang PRDP,” ani Ruben Padilla, bise president ng samahan.#