Aabot sa 2,061 mamamayan ang nabigyan ng interbensyon at serbisyo ng Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) sa ginanap na Bagong Pilipinas Serbisyo Fair (BPSF) noong ika-4 hanggang ika-5 ng Nobyembre sa Laguna SportsComplex, Sta. Cruz, Laguna.
Ang BPSF ay proyekto ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na naglalayong tipunin ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan upang sama-samang magbigay ng benepisyo sa mga komunidad sa bansa. Pangunahing ipinaparating dito ay mga programang pangkabuhayan, pang-edukasyon, pangkalusugan, pang-agrikultura, at iba pa.
Kaugnay nito, sa pangunguna ni DA-4A Regional Executive Director Milo delos Reyes, isang booth ang inihanda ng Kagawaran tampok ang pagkakaloob ng mga interbensyon, partikular ang mga punla ng calamansi, mangga, lanzones, binhi ng gulay, pataba, at iba pa.
Dito ay kalakip ang pagpapakilala ng mga programa at serbisyo ng Kagawaran at ang pamimigay ng mga babasahin tungkol sa pagtatanim, paghahayupan, at mga programa ng ahensya para sa mga interesado sa sektor ng agrikultura.
Bahagi rin ng aktibidad ang pagtatayo ng KADIWA ng Pangulo kung saan ilan sa mga Farmers Cooperatives and Associations (FCAs) sa rehiyon ay direktang nakapagbenta sa mga mamimili sa Laguna ng mga produkto sa mas murang halaga.
Ayon kay Irene Arban, isang residente mula sa Laguna, maaga pa lamang ay bukas na ang KADIWA kaya nakapamili agad sila ng kanyang anak ng mga gulay. Nagpasalamat din siya sa naiuwing punla ng calamansi, mga binhi ng gulay, at mga babasahin tungkol sa mga pananim na madaling anihin at magagamit niya para sa munting taniman sa kanilang bahay.
#### (Danica T. Daluz, DA-4A RAFIS)