Aabot sa Php7,220,000.00 ang kabuuang halaga ng tulong-pinansyal na ipinamahagi ng Department of Agriculture Regional Office No. IV-A (DA Calabarzon) sa mga maliliit na magpapalay sa unang distrito ng Quezon sa ilalim ng programang Rice Competitiveness Enhancement Fund-Rice Farmers Financial Assistance (RCEF-RFFA) noong ika-18 ng Enero, 2024.
Dito ay tumanggap ang 1,444 magsasaka mula sa bayan ng Lucban, Tayabas City, Pagbilao, Mauban, at Sampaloc ng tig-lilimang libong piso. Sila ay mga rehistrado sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA) at may hindi lalagpas sa dalawang ektaryang palayan alinsunod sa Republic Act (RA) No. 11203 o βRice Tariffication Lawβ.
Ang RSBSA ay ang opisyal na talaan ng pamahalaan sa pagkakakilanlan ng mga magsasaka at mangingisda. Upang maparehistro ang isang magsasaka, kinakailangan lamang na ihanda ang kanilang pinakabagong 2×2 ID, isang valid ID, at orihinal na kopya ng titulo ng pagmamay- aring lupa o kasunduan sa pagsasangla/renta sa lupa. Matapos ay isumite ito sa Municipal Agriculture Office (MAO), magsagot ng RSBSA enrollment form, magpapirma sa punong barangay, City/MAO, at City/Municipal Agricultural and Fishery Council (C/MAFC) chairman, at ingatan ang ibibigay na stub.
Pag-asa at motibasyon naman ang naidulot ng pangatlong beses nang pagtanggap ng limang libong piso ng isang magpapalay mula sa Sampaloc na si Bb. Mary Jane Niogan. Aniya, sa taong 2020 at 2024 ay malaking bagay ang may pandagdag siya sa pambili ng abono at panggastos sa araw-araw na pamumuhay. #### (Danica T. Daluz, DA-4A RAFIS)