Pormal na tinanggap ng Cawongan Farmers Association ang mga interbensyon mula sa Department of Agriculture Regional Office No. IV-A (DA Calabarzon) noong ika-15 ng Pebrero, 2024, sa Brgy. Cawongan, Padre Garcia, Batangas.
Ang naturang mga interbensyon ay binubuo ng 27 ulo ng kambing, isang pabahay, isang forage chopper, 71 botelya ng Bitamina ADE, at 114 litro ng oral dewormer bilang bahagi ng patuloy na implementasyon ng programang Livestock Economic Enterprise Development (LEED) sa rehiyon.
Ang LEED ay isang estratehiya ng ahensya na naglalayong mapalakas ang kontribusyon ng industriya ng livestock at poultry sa pagpapataas ng kita at produksyon ng mga maliit na magsasaka na mula sa rehistrado at kwalipikadong Farmersโ Cooperatives and Associations (FCAs) na dumaan sa masusing akreditasyon.
Samantala lubos ang pagpapaabot ng pasasalamat sa kagawaran ni Cawongan Farmers Association president at isang livestock farmer, G. Arwin Escueta. Aniya, ang mga natanggap nilang interbensyon ay malaking tulong upang madagdagan ang kita ng kanilang mga miyembro na patuloy nilang palalawakin at papaunlarin.
Pinangunahan ang naturang turn-over ceremony ni OIC-Regional Executive Director Engr. Marcos C. Aves, Sr. at Regional Livestock Program Focal Person, Dr. Jerome Cuasay. Dumalo din sina Batangas 4th District Representative Congresswoman Lianda Bolilia, Padre Garcia Mayor Celsa Rivera, mga opisyal ng lokal na pamahalaan at asosasyon ng mga magsasaka ng Padre Garcia, at mga kawani ng DA Calabarzon. #### (Bryan E. Katigbak, DA-4A RAFIS)