Patuloy ang paggabay at paghihikayat ng Department of Agriculture IV-Calabarzon (DA Calabarzon) at DA Bureau of Agricultural Research (DA-BAR) sa mga magsasaka na gumamit ng mga makabagong teknolohiya at pamamaraan sa pagsasaka sa pamamagitan ng programang Sustainable Community-Based Action R4DE for Livelihood Enhancement, Upliftment and Prosperity (SCALE UP).

Ang programang SCALE UP sa mga bayan Atimonan, Plaridel, at Lopez, Quezon ay hinihikayat at ginagabayan ang mga magsasaka ng cacao, gulay at palay sa makabagong pagsasaka. Sinimulan ito sa pagtalakay ng mga pangangailangan ng mga magsasaka kasabay ang pagkulekta ng mga sample ng lupa upang suriin. Sinusundan ito ng mga pagsasanay sa pamamahala ng sustansya ng lupa at ibat ibang teknolohiya sa produksyon ng cacao, palay at gulay tulad ng wastong pagtatanim, tamang pag-aaplay ng angkop na abono, pagkontrol ng mga peste at sakit, at pagpoproseso ng mga aning produkto.

 

Kaugnay nito ay binisita ng mga kawani ng DA Calabarzon Research Division kasama ang mga representate mula sa DA- BAR ang mga sakahan ng cacao, palay at gulay na benipisaryo ng nabanggit na programa noong ika-22 ng Pebrero, 2024, sa Plaridel, Quezon.

 

Dito ay natalakay ang mga produktibong pagbabago tulad ng pag-ganda ng tindig ng mga pananim na may kasamang madaming bunga na ginamitan ng ipinakilalang teknolohiya.

 

Ayon kay G. Darwin Gimenez, isang magpapalay ng Plaridel, ang pagsunod sa ipinakilalang teknolohiya sa kanila tulad ng pagsunod sa rekomendasyon sa pag-aabono mula sa sinuring lupa at paggamit ng mga plant growth enhancers, ay malaking tulong upang mapaganda ang kanilang mga pananim na nagdulot ng ng mas mataas na ani.

 

Samantala, binigyan diin ni BAR Director Dr. Junel Soriano na mahihikayat natin ang mga magsasaka na gumamit ng mga makabagong teknolohiya sa pagsasaka sa pamamagitan ng pagkukumpara ng ani at kita ng luma at makabagong pamamaraan sa pagsasaka gaya ng mga pinaiiral sa SCALE UP. ####(Bryan E. Katigbak, DA-4A RAFIS)